Mamahaling tsokolate at bulaklak, kumikinang na alahas, naghahabaang matatamis na mensahe at kung anu-ano pang pakulo, ilan lang sa mga bagay na ating unang naiisip kapag papalapit na ang Araw ng mga Puso. Sa kabilang banda, para sa mga taong araw-araw na nakikipagsapalaran sa kalsada, ito ay isang karaniwang araw…lilipas din.
Paano nga ba nagdiriwang ang isang taong-lansangan na ang pangunahing layunin ay magkalaman ang kumakalam na sikmura?
Noong nakaraang Sabado, ika-13 ng Pebrero ng kasalukuyang taon, ating binigyang kulay ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso sa pamamagitan ng palaro at pagbibigay ng mumunting handog maliban sa nakagawiang pagpapakain sa kanila. Sa isang maikling programa, kanilang ipinamalas ang talas ng kanilang isipan sa pagsagot sa mga tanong na may kaugnayan sa AJ Kalinga Foundation.
Tunay na nakakataba ng puso ang makitang sila ay nag-uunahan sa pagsagot…nagtatawanan, na kahit sa simpleng paraaan ay kanilang naranasang magdiwang. Ngunit higit pa sa pagdiriwang, ang mensahe ng Araw ng mga Puso ay pagmamahal, pagmamahal na walang hinihinging kapalit, pagmamahal na hindi namimili, pagmamahal na walang sukatan, pagmamahal ng Kalinga!